Sa pagtitipon ng mga opisyal ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa ilalim ng ASEAN Chairmanship ng Pilipinas tinalakay ang pagpapalakas ng pamumuhunan, regional integration, at inclusive business sa rehiyon sa gitna ng patuloy na hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Sa katatapos na 29th ASEAN Investment Area Council Meeting, tinalakay ng mga ministers ang mga hakbang upang makahikayat ng mas de-kalidad na pamumuhunan, palakasin ang regional value chains, at isulong ang green at digital transition. Naghahanda rin ang ASEAN para sa 9th ASEAN Inclusive Business Forum sa Setyembre 22, na magbibigay-diin sa pagpapalawak ng oportunidad para sa mga MSME, magsasaka, kababaihan, persons with disabilities, at iba pang underserved communities.
Ayon kay DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo, nananatiling matatag ang rehiyon bilang isang investment destination patunay diyan ang record na 243.9 bilyong dolyar na foreign direct investments ng ASEAN noong 2025.
Sinabi rin niyang layunin ng mga pagpupulong na tiyakin ang pag-unlad ng ekonomiya ay hindi lamang para sa mga mamumuhunan kundi para rin sa mas maraming mamamayan.
Inaasahang magsisilbing daan ang mga pulong upang higit pang mapalakas ang pamumuhunan, makalikha ng mas maraming trabaho, at maisulong ang inklusibong paglago ng ekonomiya sa buong ASEAN, kabilang ang Pilipinas.