Nagpaabot ang Landbank of the Philippines (LANDBANK) ng kabuuang ₱12.6 milyong pinansiyal na tulong at relief support sa mga local government unit (LGU) sa Gitnang Luzon na may naitalang matinding pinsala mula sa Bagyong Neneng at sa pinalakas na Habagat.
Ang nasabing pondo, na ang bahagi ay nagmula sa voluntary cash donations ng mga kawani ng LANDBANK mula sa iba’t ibang panig ng bansa, ay nakalaan para sa mga agarang relief operations at mga programa sa pagbangon ng mga komunidad.
Sa kabuuang halaga, ₱11.6 milyon ang ipinagkaloob bilang cash assistance sa 46 na pamahalaang panlalawigan, panlungsod, at pambayan sa Bataan, Bulacan, Tarlac, Nueva Ecija, Zambales, at Pampanga.
Samantala, ang natitirang ₱1 milyon ay inilaan para sa relief operations sa Pampanga sa pamamagitan ng donasyon ng mga empleyado ng bangko, kung saan ang bawat isa ay nag-ambag ng katumbas ng humigit-kumulang isang oras na sahod.
Bukod sa pinansyal na tulong, personal ding tumulong ang mga kawani ng LANDBANK sa pagpapakete at pamamahagi ng 2,000 grocery packs sa mga pamilyang apektado ng baha sa mga bayan ng Apalit, Sto. Tomas, at Minalin.
Ayon sa Landbank, ang inisyatibang ito ay bahagi ng kanilang patuloy na pagsuporta sa mga lokal na pamahalaan at mamamayan upang mabilis na makabangon mula sa epekto ng mga kalamidad.