Tinatayang umabot sa $686 bilyon ang kabuuang kalakalan ng ASEAN at Estados Unidos noong 2025. Ito ang isa sa mga tampok na tinalakay sa ASEAN Economic Ministers-United States Trade Representative Consultation sa Maynila.
Sa pagbubukas ng pulong, sinabi ni U.S. Trade Representative Ambassador Switzer na nananatiling mahalagang katuwang ng Estados Unidos ang ASEAN, na may pinagsamang populasyon na mahigit isang bilyong katao. Aniya, nagpapakita ang $686 bilyong halaga ng kalakalan ng matatag na ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang panig at ng malaking potensyal para sa mas malawak na kooperasyon.
Samantala, iginiit ni Trade Secretary at ASEAN Chair Maria Cristina Aldeguer-Roque ang kahalagahan ng pagpapanatili ng bukas na dayalogo upang higit pang mapalakas ang kalakalan, pamumuhunan, supply chain resilience, digitalization, at suporta sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Inaasahang magsisilbing daan ang konsultasyon upang palawakin pa ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan, habang isinusulong ang mas matatag, balanse, at inklusibong ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng ASEAN at Estados Unidos.