Nilagdaan ng ASEAN at Hong Kong, China ang mas pinalakas na Investment Agreement na inaasahang magpapalawak ng mga oportunidad sa pamumuhunan at magbibigay ng mas matatag na kapaligiran para sa mga mamumuhunan sa dalawang panig.
Sa ika-10 ASEAN Economic Ministers-Hong Kong, China Consultation na ginanap sa Maynila, nilagdaan ang First Protocol to Amend the ASEAN-Hong Kong Investment Agreement o AHKIA. Layunin nitong gawing mas malinaw at predictable ang mga patakaran sa pamumuhunan, palakasin ang kumpiyansa ng mga investor, at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa pagitan ng ASEAN at Hong Kong. Hinikayat din ng mga kalahok ang pagpapatuloy ng mga hakbang upang higit pang mapagtibay ang investment framework ng dalawang panig.
Tinalakay rin sa pulong ang matinding interes ng Hong Kong na maging kasapi ng Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP, kung saan kinilala ng mga economic ministers na makatutulong ito sa mas malalim na regional economic integration. Hinikayat din ang RCEP Joint Committee na mapabilis ang proseso ng pagpasok ng Hong Kong sa kasunduan. Kasabay nito, ipinagpatuloy ng ASEAN at Hong Kong ang usapin sa pag-uugnay ng ASEAN Single Window at Hong Kong Trade Single Window, kabilang ang pilot project para sa electronic Certificate of Origin, upang mapadali ang kalakalan sa rehiyon.
Binigyang-diin din sa pulong ang pangangailangang maisulong ang reporma sa WTO upang mas epektibong matugunan ang mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya at mapakinabangan ng lahat ng miyembrong bansa ang multilateral trading system.