Photo Courtesy of DSWD FIELD OFFICE 5 - BICOL REGION
Ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang second tranche ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance sa kabuuang 1,534 benepisyaryo mula sa Minalabac at Pili nitong Setyembre 16, 2026, sa Fuerte Sports Complex, Pili, Camarines Sur.
Ayon sa DSWD Bicol, nakatanggap ang bawat benepisyaryo mula sa Group 2 household beneficiaries ng tig-₱2,000, kung saan 902 ang mula sa Minalabac at 632 naman mula sa Pili.
Sinabi pa ng DSWD Bicol na patuloy ding isinusulong ang pagpaparehistro ng mga benepisyaryo sa Government-to-Person (G2P) upang maging mas mabilis at episyente ang pagtanggap ng mga susunod na benepisyo sa pamamagitan ng kanilang rehistradong bank account o e-wallet.
Ayon pa sa ahensya, bahagi ang UPLIFT Assistance ng mga hakbang ng DSWD upang makatulong na maibsan ang epekto ng energy emergency na dulot ng tunggalian sa Gitnang Silangan, partikular sa mga pamilyang may mababang kita na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at petrolyo. Dagdag pa ng DSWD Bicol na nilalayon ng programa na maihatid ang agarang tulong sa mga Pilipinong higit na nangangailangan at matiyak na walang maiiwan sa anumang krisis na kanilang kinakaharap, alinsunod sa mandato ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Syrl Anne Luzon | RP Albay