Pinagtibay ng ASEAN Economic Ministers at World Intellectual Property Organization o WIPO ang kanilang pagtutulungan upang palakasin ang intellectual property ecosystem sa rehiyon, bilang suporta sa inobasyon, digital economy, at competitiveness ng mga negosyo.
Sa pagbubukas ng AEM-WIPO Consultation, sinabi ni WIPO Director General Daren Tang na patunay ng matatag na ugnayan ng dalawang panig ang ikaapat na konsultasyon, at kinilala ang matagumpay na pagtatapos ng ASEAN Digital Economy Framework Agreement o DEFA na inaasahang magpapalawak ng kooperasyon sa e-commerce at digital innovation.
Samantala, binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na mahalaga ang matatag na intellectual property system upang maprotektahan ang mga bagong ideya, mahikayat ang pamumuhunan, at mapaunlad ang mga industriya na nakabatay sa kaalaman at teknolohiya.
Inaasahan din ng ASEAN na higit pang mapalalim ang pakikipagtulungan sa WIPO sa ilalim ng ASEAN Intellectual Property Rights Action Plan 2026 hanggang 2030. Layunin ng ASEAN at WIPO na higit pang paigtingin ang kooperasyon sa innovation, human capital development, at paggamit ng intellectual property bilang susi sa mas matatag at mas competitive na ekonomiya ng rehiyon.