Umabot sa US$3.24 bilyon ang cash remittances mula sa overseas Filipinos noong Hulyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Mas mataas ito ng 1.9% kumpara sa US$3.18 bilyon sa parehong buwan noong nakaraang taon. Pinakamalaking bahagi ng padala ay nagmula sa Estados Unidos, kasunod ang Singapore at Saudi Arabia.
Samantala, ang personal remittances — kabilang ang cash na ipinadala sa bangko, sa informal channels, at remittances in kind — ay umabot sa US$3.6 bilyon, mula sa US$3.53 bilyon noong Hulyo 2025. Patuloy na itinuturing ang remittances bilang isa sa pinakamahalagang lifeline ng ekonomiya, dahil malaki ang ambag nito sa domestic consumption at pangkalahatang paglago.
Gayunman, bumagal ang household consumption sa 2.8% sa ikalawang quarter ng 2026, kumpara sa 5.2% growth noong parehong quarter ng nakaraang taon, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, ipinaliwanag ni financial analyst Jonathan Ravelas na ang paghina ng piso ay nakakaapekto sa remittance behavior. “Kapag humihina ang piso, mas konti ang pinadadala ng ating mga kababayan abroad. Pero dahil sa pagtaas ng bilihin, nagdadagdag sila ng kaunti para maibsan ang gastos,” aniya.
Dagdag pa ni Ravelas, nananatiling hamon ang inflation na pumipigil sa household spending. “Mas mabilis ang pagtaas ng presyo kaysa sa kita ng tao. Kaya nagiging maingat sila sa paggastos,” paliwanag niya, sabay-diin na mahalagang manatiling matatag ang inflation expectations upang mapanatili ang kumpiyansa ng mamimili.
Ang kuwento ng remittances ngayong taon ay sumasalamin sa tatag ng overseas Filipinos sa pagtulong sa kanilang pamilya, kasabay ng hamon ng tumataas na presyo na patuloy na bumibigat sa domestic demand.