Mas pinalalim pa ng ASEAN at Switzerland ang kanilang ugnayang pang-ekonomiya matapos pagtibayin sa Maynila ang ASEAN-EFTA Joint Declaration on Economic Cooperation Work Plan 2026-2030.
Sa pagbubukas ng ika-5 ASEAN Economic Ministers Troika Open-Ended Dialogue with Switzerland Trade Minister, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na magsisilbing konkretong gabay ang bagong work plan upang maisulong ang mas matibay na ugnayan sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan, at pakikilahok ng pribadong sektor sa susunod na limang taon.
Ipinunto naman ng Switzerland na umabot na sa mahigit USD 21 bilyon ang kalakalan sa pagitan ng ASEAN at mga bansang kasapi ng EFTA noong 2025, halos apat na beses na mas mataas kumpara sa dalawang dekadang nakalipas.
Binigyang-diin din nito ang patuloy na pagpapalawak ng mga free trade agreement sa mga bansang ASEAN bilang patunay ng kanilang suporta sa bukas at rules-based international trade.
Nagpahayag din ang Norway at Iceland ng suporta sa bagong work plan, partikular sa kooperasyon sa digital economy, MSMEs, renewable energy, blue economy, at sustainable food systems upang mapaigting ang paglago at katatagan ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa pagpupulong, muling iginiit ng ASEAN at Switzerland ang kahalagahan ng matatag na pandaigdigang pakikipagtulungan upang mapalawak ang oportunidad sa negosyo, mapatatag ang supply chains, at mapalakas ang inklusibong paglago ng ekonomiya sa harap ng mga pandaigdigang hamon.