Naniniwala si Deputy Speaker Janette Garin na dapat mapunta ang ayuda sa mga nagtatrabahong Pilipino na hindi sapat ang kita para matugunan ang tumataas na gastusin.
Ayon kay Garin, hindi dapat maging dahilan ang mga programang ayuda para tuluyang umasa ang mga taong may kakayahang maghanapbuhay.
Kabilang sa dapat matulungan aniya ang mga minimum-wage earner at iba pang manggagawang mababa ang sahod gaya ng kasambahay at caregiver.
Sinabi ni Garin na maaaring magsilbing suporta ang ayuda sa mga pamilyang nagsisikap kumita ngunit hindi sapat ang kanilang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Giit ni Garin, dapat hikayatin ng gobyerno ang mga benepisyaryo na maghanapbuhay habang nagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga nangangailangan.
Nilinaw naman niya na personal niyang pananaw ito at hindi nangangahulugang ito na ang posisyon ng buong Kamara.
“Hindi rin maganda na ipagpapatuloy natin ang puro ayuda doon sa mga hindi nagtatrabaho…So talagang maganda na ’yung ayuda hindi mo lang ibibigay doon sa talagang walang trabaho kundi i-encourage mo. It would be like help yourself and the government will help you,” paliwanag ni Garin.