Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa pagbuo ng isang inter-agency task force na magsasagawa ng imbestigasyon sa trahedya ng MV June Aster.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., nakahanda ang pulisya na magbigay ng kinakailangang mga tauhan at resources para sa magkasanib na imbestigasyon.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang matiyak ang pagtugon ng pamahalaan at masusing imbestigasyon sa insidente.
Sa unang bahagi ng imbestigasyon, susuriin ng task force ang port-to-port operations ng barko at iba pang mga pangyayaring may kaugnayan sa insidente, habang palalakasin ang pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga kinauukulang ahensya.
Tiniyak ni Nartatez sa publiko ang pagiging patas ng imbestigasyon, pangangalaga sa mga nakalap na ebidensya, at pagsunod sa due process.
Ayon sa pinakahuling tala, umabot sa 77 ang nasawi, habang 43 ang nakaligtas at walo pa ang nawawala.