Personal na nagpaabot ng pakikiramay at tulong si DSWD Sec. Rex Gatchalian sa mga pamilyang naapektuhan ng shooting incident sa Banga National High School sa South Cotabato.
Nagtungo mismo ang kalihim nitong linggo sa Surallah at Banga para makiramay sa mga naulilang pamilya at maghatid ng financial assistance para sa kanilang pangangailangan.
Bumisita rin ang kalihim sa Dr. Arturo Pingoy Medical Center sa Koronadal City para alamin ang lagay ng mga biktima at kanilang mga pamilya na naapektuhan ng insidente.
Sa Banga Municipal Hall, pinangunahan din ng DSWD ang Psychological First Aid (PFA) session para sa mga indibidwal na nakaranas ng emosyonal na epekto ng insidente, kabilang ang mga guro ng Banga National High School.
Samantala, nagsagawa na rin ang DSWD Field Office 12 ng house-to-house visits para kumustahin ang mga biktima at kanilang pamilya at matukoy ang iba pa nilang pangangailangan.
Tiniyak naman ni DSWD Sec. Gatchalian na patuloy na susuportahan ang mga pamilya at school community para maipaabot ang psychosocial support at iba pang kinakailangang assistance.
📸 DSWD

