Humigit kumulang 2,000 pulis ang ipinakalat ng Eastern Police District (EPD) para tiyakin ang seguridad ng kanilang nasasakupan ngayong araw.
Ito’y kasunod ng mga nakakasang aktibidad ng iba’t ibang grupo ngayong September 21 partikular na sa EDSA Shrine gayundin sa Connecticut Street na malapit lang sa People Power Monument (PPM).
Ayon kay EPD Director, Police Brig. Gen. Roman Arugay, nakahanda silang tumugon sa anumang emergency o di kaya’y mga unannounced na aktibidad.
Mahigpit din ang kaniyang atas sa mga tauhan nito na pairalin ang ‘maximum tolerance’ o ang pinakamataas na antas ng pagtitimpi sa lahat ng oras.
Gayunman, sinabi ni Arugay na alam ng mga pulis kung ang paghahayag ng saloobin ay lumalampas na sa itinatakda ng batas na siyang dapat nilang ipatupad.
Kahapon, hanggang alas-11 lamang ng umaga nagtagal ang mga programa ng iba’t ibang grupo sa tapat ng EDSA Shrine na nasa panulukan ng EDSA at Ortigas Avenue.
📸 EPD

