Isinusulong ni Albay 3rd District Representative Adrian Salceda ang agarang pagpasa sa House Bill No. 10927, o ang Philippine Healthy Food Retail Act, upang gawing mas accessible at abot-kaya ang mga masustansyang pagkain para sa bawat Pilipino.
Ayon kay Salceda, layunin ng panukalang batas na ito na tugunan ang lumalalang problema ng malnutrisyon at ang pagtaas ng bilang ng mga sakit na may kinalaman sa maling diyeta, tulad ng diabetes, sakit sa puso, at cancer.
Sa ilalim ng panukala gagawing mas abot-kaya, madaling matukoy, at madaling mabili ang mga sariwang produkto at masustansyang pagkain sa mga supermarket, malapit sa mga paaralan, online platforms, at mga lokal na tindahan.
Inaatasan din ang mga food retailer na maglaan ng espasyo para sa mga masustansyang pagkain, habang ipinagbabawal naman ang paglalagay ng mga pagkaing mataas sa taba, asin, at asukal.
Lilimitahan sa 100 metro mula sa mga paaralan ang pag-display at promosyon ng mga junk food at iba pang hindi masustansyang pagkain.
Hindi naman magiging mandatory ang mga mabibigat na requirements sa mga sari-sari store, vendor, at karinderya. Sa halip, bibigyan sila ng tulong-pinansyal, technical assistance, cold storage, at direktang koneksyon sa mga lokal na magsasaka at kooperatiba.
Sa halip na magtayo ng bagong ahensya, palalawakin ang mandato ng kasalukuyang National Nutrition Council (NNC) upang mangasiwa sa pagpapatupad ng batas na ito. | ulat ni Melany Reyes