Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pilipinong naapektuhan sa sunod-sunod na pagsabog sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ito ay matapos na atakihin ng mga Houthi militant gamit ang drone at ballistic missile ang Riyadh at ilang energy site sa baybayin ng Red Sea noong gabi ng Biyernes hanggang umaga ng Sabado, September 18 at 19.
Ayon sa DMW, patuloy na minomonitor ng ahensya ang sitwasyon ng mga Pilipino roon sa tulong ng kanilang Migrant Workers Offices, katuwang ang Philippine Embassy at Consulate.
Nakaantabay anila ang mga ito para umalalay sa mga OFW na mangangailangan ng tulong.
Paalala naman ng ahensya sa mga OFW na maging mapagmatyag at sumunod sa mga abisong inilalabas ng mga awtoridad sa Saudi Arabia. | ulat ni Diane Lear