Umabot na sa 13 ang kilos-protestang na-monitor ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila ngayong araw.
Ito ay batay sa datos ng PNP hanggang kaninang alas-4 ng hapon.
Ayon sa PNP, 10 rito ang isinagawa sa Maynila, dalawa sa Quezon City, at isa sa Pasig City.
Pito na ang natapos, habang anim pa ang nagpapatuloy.
Nasa 1,620 ang kabuuang bilang ng mga raliyista sa mga kasalukuyang pagtitipon, at pinakamarami ang nasa Liwasang Bonifacio sa Maynila na may 1,200.
Umaabot naman sa 14,692 ang pulis na idineploy sa Metro Manila.
Samantala, nananatili ring naka-full alert ang lahat ng yunit ng PNP hanggang alas-12:01 ng madaling araw ng September 22. | ulat ni Diane Lear