Photo courtesy of National Commission of Senior Citizens
Binibigyan ng pagkakataon ang mga senior citizen sa Quezon City na manatiling aktibo at produktibo sa pamamagitan ng mga programa ng QC Public Employment Service Office (QC-PESO) at Office for Senior Citizens’ Affairs (OSCA-QC).
Ipinagkakaloob ng QC-PESO at OSCA-QC ang mga trabaho at kabuhayan upang matulungan ang mga nakatatanda na patuloy na maging bahagi ng workforce.
Sa ilalim ng Special Employment Program for Senior Citizens (SEPSC), nakikipagtulungan ang ahensya sa mga pribadong kumpanya upang mabigyan ng trabaho ang mga kwalipikadong senior citizens. Sa kasalukuyan, mahigit 150 benepisyaryo na ang natulungan ng programa sa Quezon City.

Proyekto naman ng Quezon City Government katuwang ang OSCA-QC ang Pangkabuhayan QC para sa mga senior citizen na nais magsimula ng sariling negosyo.
Naitala sa livelihood programs ng lungsod ang aabot sa 70,000 benepisyaryo na kinabibilangan ng humigit-kumulang 8,000 o 12% na senior citizens.
Pinapalawak din ng QC LGU ang suporta sa mga nakatatanda pagdating sa urban farming sa pamamagitan ng Joy of Urban Farming. Nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng libreng pagsasanay at starter kits sa paghahalaman upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at wellness.
Sa panayam ng programang Golden Heart: Puso para sa Seniors, ibinahagi ni Kristhine Del Adraneda-Advincula, Chief Labor and Employment Officer ng QC-PESO, na hindi lamang ang bilang ng mga benepisyaryo ang sukatan ng tagumpay ng programa, kundi ang mga oportunidad na naibabalik nito sa mga senior citizen.
Sanib-puwersa ang QC-PESO at OSCA-QC sa pag-alalay sa mga senior citizen sa pag-aasikaso ng mga kinakailangang dokumento tulad ng fit-to-work certificate at medical certificate mula sa kanilang local health centers, habang sinisiguro na ang mga iniaalok na trabaho ay angkop sa kanilang kakayahan.
Patunay ang Quezon City na posible ang inklusibo at ligtas na oportunidad sa trabaho at kabuhayan, anuman ang edad.