Naghahanda na ang Department of Education (DepEd) na ilunsad ang School Digital Safety Campaign para sa mga mag-aaral, guro, at magulang, kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Bahagi ito ng hakbang ng kagawaran na palawakin ang proteksyon sa mga mag-aaral lalo’t iniimbestigahan din ang naiulat na online activity na may kaugnayan sa insidente sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, umaabot na sa cellphone, laro, group chat, at social media ang mundo ng mga bata, kaya kailangang bigyan ang mga estudyante, magulang, at guro ng kaalaman para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Kabilang sa tatalakayin ng kampanya ang mga usaping gaya ng grooming at online child exploitation, cyberbullying, scam, pagprotekta sa personal na impormasyon, at pagkakalantad sa marahas na content.
Tuturuan din ang mga magulang kung paano kausapin ang kanilang mga anak tungkol sa nararanasan nila online, at kung paano matutukoy ang mga babalang senyales.
Makikipagtulungan ang DepEd sa DICT, PNP, DSWD, DILG, NBI, at iba pang ahensya sa pagbuo ng mga materyales at pagsasanay. Susubukan muna ito sa mga piling paaralan bago ipatupad sa buong bansa.