Binigyang-diin ni Supreme Court Chief Justice Alexander G. Gesmundo ang kahalagahan ng mas malapit na koordinasyon ng mga ahensiya sa pagpapatupad ng hustisya sa bansa.
Sa kanyang keynote address sa Justice Sector Coordinating Council o JSCC Summit, sinabi ni Gesmundo na dapat panatilihin ng bawat institusyon ang kanilang mandato at kalayaan habang pinalalakas ang koordinasyon sa mga bahaging magkakaugnay ang kanilang trabaho.
Kabilang sa mga binigyang-diin ng Punong Mahistrado ang pagpapalawak ng justice zones at mga hakbang laban sa jail at prison congestion.
Ayon kay Gesmundo, nakatulong ang magkakaugnay na reporma ng Supreme Court o SC, Department of Justice o DOJ, at Department of the Interior and Local Government o DILG para mapababa nang double-digit percentage ang national jail congestion rate.
Isinusulong din ng SC ang mga pagbabago sa mga panuntunan sa detention at release, kabilang ang house arrest, medical confinement, community-supervised release, at compassionate release para sa mga kwalipikadong bilanggo.
Binigyang-diin din ni Gesmundo ang National Justice Information System, e-Warrant, e-Subpoena, at Single Carpeta System upang mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon at mabawasan ang delay sa paghawak ng mga kaso.