Hindi na umano ma-aaccess sa Pilipinas ang dalawang websites na umano’y nanghihikayat ng karahasan.
Ito ang iniulat ni PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co sa pulong balitaan sa Camp Crame matapos na atasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang PNP Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa National Telecommunications Commission (NTC) para i-block ang naturang mga website.
“The ACG upon the directive and instruction of our SILG as well as our chief PNP coordinated directly with the NTC for the blocking of certain websites espousing yung real world violence and grooming na sinasabi natin. So it was positively replied to by the NTC and the NTC has already directed our ISPs to block access sa mga websites na ito,” ani Co.
Hindi naman na nagbigay ng ibang detalye si Co kaugnay sa naturang mga website, dahil mayroon aniyang nakikitang kaugnayan ang mga imbestigador sa naturang mga website at mga nangyayaring karahasan nitong mga nakaraang araw at buwan.
Kaya hindi aniya nakikita ng PNP ang dahilan para tukuyin ang mga ito at magbigay pa ng karagdagang interes.
Ayon kay Co, ginagamit ang mga website para unti-unting i-groom ang mga user sa karahasan.
Nagsisimula aniya ito sa mga simpleng utos hanggang sa humantong sa tahasang pananakit o pamamaril.
Matatandaan na ilang insidente na ng karahasan ang naitala sa ilang paaralan sa bansa, nitong Biyernes lang ay tatlong mag-aaral ang nasawi sa Banga National High School sa South Cotabato matapos mamaril ang isang mag-aaral sa Grade 9 na umano’y miyembro ng True Crime Community.