Bumuwelta si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa ginawang pagbansag ni Caloocan Congressman Egay Erice sa Local Government Support Fund bilang presidential pork barrel.
Sa vlog ni PCO Undersecretary Castro, sinabi nitong mas maigi sanang inaral muna ng kongresista ang kabuuang sistema sa pagbibigay ng LGSF sa bawat lokal na pamahalaan kung saan ay may itinatakdang mga requirements na dapat matugunan bago ito maipagkaloob sa isang LGU.
May mga panuntunan aniyang nakalatag ukol dito bago mai- release sa isang local government at kabilang sa mga sinsilip dito ay ang governance standard ng kinauukulang lgu, financial management nito, fiscal transparency, service delivery at kakayahang maipatupad ang mga programang isinumite na popondohan ng LGSF.
Idadaan aniya ang request ng isang lokal na pamahalaan sa DBM sa pamamagitan ng ugnayang bayan portal at walang anomang intervention mula sa kaninumang pulitiko na magsisilbing middleman.
Payo pa ni Usec. Castro kay Erice, makipag- usap kay Mayor Along Malapitan at alamin kung ano ang mga naging request nito at naibigay sa mga hiling kaysa sa magbato ng mga akusasyon. | ulat ni Alvin Baltazar