Kinumpirma ng kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na lumilitaw ang pangalan ni Jaime Tan Cruz bilang incorporator o board director sa ilang kumpanyang sinuri sa impeachment trial.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Erwin Tulfo, kabilang sa mga tinukoy na kumpanyang konektado rin kay Tan ang City Hall King Chow Foods, Metro City Chow Food, Great Jolly Times Food, Davao New Royal Taipan Foods, Davao Emerging Taipans, at Davao Bounty Times Food Corporation.
Gayunman, sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo Del Rosario na walang disclosure sa Articles of Incorporation na ang “JTC” ay nangangahulugang Jaime T. Cruz.
Ayon naman sa House prosecution panel, ang Jaime Tan Cruz na tinutukoy ay siya ring itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na special envoy to China for trade and investment.
Sinabi rin ni private prosecutor Atty. Erwin Matib na ang tinutukoy na Jaime Tan Cruz rin ang inalok noon na maging PhilHealth chairman, pero hindi nito tinanggap ang posisyon.
Lumabas din sa pagdinig na mas malalim ang papel ni Cruz sa GenCorp Industries Incorporated, na isa sa mga kumpanyang idineklara ni VP Sara bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 SALNs.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Kiko Pangilinan kay Del Rosario, lumitaw na ang JTC Group of Companies ni Cruz ang may controlling interest sa GenCorp. Lumabas din sa pagtatanong ni Pangilinan na may magkakaparehong stockholders at officers ang GenCorp, City Hall King Chow Foods Corporation, at Metro City Chow Foods Corporation, na dalawa naman sa mga kumpanyang may shares si VP Sara.