Humihingi ang Department of Migrant Workers (DMW) ng karagdagang ₱4 bilyong pondo para sa 2027 dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo na maaaring makaapekto sa mga overseas Filipino workers o OFWs.
Sa budget hearing sa Senado ng panukalang 2027 budget ng ahensya, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na kailangang maging handa ang pamahalaan sa posibleng paglala ng mga tensyon, hindi lang sa Middle East.
Nasa ₱37 bilyon ang hiling na budget ng DMW at OWWA, pero ₱11.62 bilyon lang ang nakalaan sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Sa karagdagang ₱4 bilyong hiling ng ahensya, ₱1 bilyon ang ilalaan sa Aksyon Fund para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong sa panahon ng krisis.
Ayon kay Cacdac, naubos ang emergency funds ng dalawang ahensya matapos ang repatriation ng nasa 12,000 OFWs mula sa Middle East at pagbibigay ng shelter assistance sa nasa 20,000 iba pa. Samantala, sinabi ng OWWA na ang ₱977 milyong emergency repatriation fund para sa 2027 ay maaaring maubos sa loob lamang ng mahigit apat na buwan.