Mistulang nasa purgatoryo ang aplikasyon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque para sa asylum.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa ambush interview sa Taguig City.
Ayon kay Remulla, hindi pa umano ito naaaprubahan, ngunit hindi rin naman tinaggihan. Karaniwan aniyang anim na buwan lang ang proseso, pero umabot na ito sa siyam na buwan hanggang isang taon nang walang desisyon.
“Hindi approved, hindi disapproved. Kaya, kumbaga, nasa purgatory siya ng asylum ngayon. Kasi usually 6 months lang yan eh. 6 months, 9 months na, 1 year yata, hindi pa binibigay sa kanya. So, neither here nor there. Wala pang batas na nagsasaklaw ukol sa kanyang, ukol sa kanyang asylum,” ani Remulla.
Nakikipag-usap naman ang DILG sa mga international lawyer upang alamin kung maaari nang saklawin si Roque ng Interpol red notice. Naisumite na aniya ang lahat ng requirements at hinihintay na lang ang aksyon ng Interpol.
Pinabulaanan din ni Remulla ang paratang na political persecution ang kinakaharap nina Roque at ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Human trafficking aniya ang kaso ni Roque habang plunder naman ang kay Co. Kung naniniwala silang inosente sila, dapat aniyang harapin nila ang kaso.
Matatandaang naglabas ang korte sa Angeles City, Pampanga ng warrant of arrest laban kay Roque noong May 2025 dahil sa qualified human trafficking, kaugnay ng Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga. Habang Si Co naman ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control projects.