Photo courtesy of Senate of the Philippines
Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Philippine Reclamation Authority o PRA sa umano’y “selective justice” sa pagpapatupad ng mga patakaran sa reclamation projects.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa panukalang 2027 budget ng PRA, tinanong ni Cayetano kung bakit naglabas ang PRA ng cease-and-desist order sa isang proyekto sa Taguig, habang hindi nito pinatitigil ang Laguna Lakeshore Road Network o LLRN na proyekto rin ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Ayon kay Cayetano, mas malaki nang higit sampung beses ang LLRN kumpara sa tinukoy niyang proyekto sa Taguig, pero hindi aniya ito nakapagsumite sa PRA ng feasibility study at environmental study.
Sinabi ni PRA Assistant General Manager Atty. Joseph John Literal na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa DPWH tungkol sa LLRN at humihingi ng mga detalye ng proyekto.
Gayunman, iginiit ni Cayetano na walang cease-and-desist o show-cause order ang PRA laban sa LLRN kaya kinuwestiyon niya ang pagkakaiba sa pagpapatupad ng regulasyon sa dalawang proyekto na parehong DPWH ang proponent.
Sa naturang pagdinig, sinabi rin ni Literal na kailangan ang approval ng PRA para sa lahat ng uri ng reclamation, anuman ang layunin nito. Samantala, sinabi ng PRA na nakikipag-coordinate ito sa DPWH, LLDA at iba pang ahensya para maresolba ang mga isyu sa mga proyekto sa Laguna Lake at Taguig.