Nilinaw ng Commission on Elections na hindi lang ang fuel subsidy program ang nakatanggap ng exemption hinggil sa social services ban ng COMELEC kaugnay ng paghahanda sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Sa panayam ng programang BOSES kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, sinabi nitong kasama rin sa mga binigyan ng exemption ang mga social services program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD gayundin ng Department of Health, Department of Education, Commission on Higher Education at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ani Garcia, nais nilang ipabatid na hindi magiging hadlang ang COMELEC para sa mga serbisyo ng pamahalaan na direktang nakatutulong sa sambayanang Pilipino.
Sa kabila nito ay mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga programang ito upang matiyak na hindi ito magagamit sa personal na interes ng kahit na sinomang politiko o inidibidwal na posibleng kumandidato sa anomang electoral positions.