Tukoy na umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang recruiter sa dark web na nang-eengganyo sa mga kabataan na gumawa ng karahasan, kabilang ang school shootings.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may isang Pilipinong recruiter na minamanmanan na ngayon ng mga awtoridad matapos matukoy ang kanyang lokasyon.
Sinabi ni Remulla, na ginagamit ng mga recruiter ang social media, direct messages at maging mga chat group habang naglalaro ng online games upang maimpluwensiyahan ang mga kabataan.
Aniya, tinatarget ng mga ito ang insecurities ng mga kabataan at ipinapangako umano na magiging tanyag o bibigyan ng gantimpala ang mga gagawa ng karahasan.
Bukod dito, sinabi ni Remulla na apat pang kabataan mula sa Mindanao ang natukoy ng mga awtoridad na nagplano umano ng magkakahiwalay na serye ng pamamaril sa paaralan.
Hindi muna ibinunyag ng kalihim ang kanilang pagkakakilanlan dahil pawang mga menor de edad ang mga ito, ngunit siniguro niyang sineseryoso ng pamahalaan ang mga banta at patuloy na tinutugis ang mga nasa likod ng naturang recruitment.
Hinimok naman ni Remulla ang mga magulang na bantayang mabuti ang online activities ng kanilang mga anak upang agad matukoy kung nalalantad ang mga ito sa mga grupong nagtataguyod ng karahasan.