Umabot na sa mahigit 47,000 ang work immersion slots na inilaan ng mga katuwang na kumpanya sa pribadong sektor para sa mga mag-aaral ng Senior High School (SHS).
Ito ay katumbas ng 94.9% ng 50,000 target ng Department of Education (DepEd)
Sakop nito ang mahigit 1,500 iba’t ibang uri ng trabaho sa mga sektor gaya ng accommodation at food services, edukasyon, agrikultura, at administrative support services.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking makapapasok sa hanay ng manggagawa ang mga SHS graduate na may tunay na kakayahan at praktikal na karanasan.
Limitado naman sa walong oras kada araw at 40 oras kada linggo ang immersion.
Sinusuri rin ang mga katuwang na kumpanya sa pamamagitan ng paginspeksyon at pagsunod sa DepEd Child Protection Policy, habang magsasagawa ng lingguhang Kumustahan ang mga guro para alamin ang kalagayan ng mga mag-aaral.
Samantala, sa performance assessment ng mag-aaral 80% ang magmumula sa mentor mula sa industriya at 20% sa paaralan. Makatutulong din ito sa pagkuha ng National Certification mula sa TESDA kasabay ng SHS diploma.