Ipinagpaliban ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang kaniyang biyahe sa France dahil sa insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato.
Matatandaang sinabi ni Remulla noong nakaraang linggo na tutungo siya sa France upang kumbinsihin ang kanyang katapat doon na tanggihan ang asylum application ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Ayon kay Remulla, inuna muna niyang makumpleto ang programa ng pamahalaan para sa mga children in conflict with the law, lalo pa’t pangatlo na umano ito sa mga naitalang insidente.
Dapat aniyang matukoy ang tamang hakbang upang maiwasan pa ang ganitong mga pangyayari, at dapat unahin ang kaligtasan ng mga bata.
Kaugnay naman ng seguridad sa mga paaralan, nilinaw ni Remulla na hindi puwedeng itapat ang Sangguniang Kabataan sa gawaing ito. Ang Barangay Tanod aniya ang maaaring gamitin. Samantala, sa usapin naman ng transparent bags para sa mga mag-aaral, sinabi ng kalihim na irerekomenda niya ito, ngunit ang pagpapasya ay nasa Department of Education.