Photo courtesy of Department of Finance
Nilagdaan na ni Department of Finance (DOF) Secretary Frederick Go ang resolusyong nag-aalis ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene.
Inanunsyo ito ni Go sa budget hearing ng Senate Finance Subcommittee para sa 2027 proposed budget ng DOF, kasunod ng panawagan ni Senador Christopher “Bong” Go na makatulong ang pamahalaan na mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon kay Secretary Go, agad niyang pinirmahan ang resolusyon matapos itong makarating sa kanya.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12316, maaaring suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag umabot sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.
Maaari itong ipatupad nang hanggang tatlong buwan at mapalawig hanggang isang taon, batay sa rekomendasyon ng Department of Energy at DOF, bukod sa iba pang ahensya.
Noong Abril, sinuspinde rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang excise tax sa LPG at kerosene matapos lumampas sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Nitong September 15, inanunsyo ng DOE na muling nalampasan ang itinakdang threshold.
Sinabi pa ng Kalihim na matagal na niyang pina-follow up ang pag-aalis ng excise tax sa LPG at kerosene dahil matagal na rin niyang alam na tumataas ang presyo ng langis na higit na sa 80 dollars per barrel.
Gayunman, hindi kasama sa resolusyon na nagtatanggal ng excise tax ang buwis sa diesel at gasolina dahil hindi aniya ito progresibo.
Paliwanag ng Kalihim na sa kanilang teorya na napag-usapan kasama ang Development Budget Coordination Committee (DBCC), kapag inalis ang excise tax sa diesel at gasolina, ang mga mayayaman ang higit na makikinabang dahil ang mga mayayaman ang pinakamalalakas gumamit ng diesel at gasolina.
Dahil dito, napagkasunduan na lang na panatilihin ang taxes sa diesel at gasolina at gawing targeted ang subsidiya para sa mga vulnerable na sektor tulad ng mga mahihirap, mga transport drivers, mga magsasaka at mga mangingisda. Dagdag pa ni Secretary Go, kapag tinanggal ang excise taxes sa diesel at gasolina, aabot sa humigit-kumulang ₱12 bilyon ang koleksyong mawawala sa gobyerno.