Niratipikahan na ng Senado at Kamara ang reconciled version ng panukalang nagpapalawak sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act para masaklaw ang mga mag-aaral sa basic education.
Pangunahing may-akda ng panukala sina Senators Bam Aquino at Joel Villanueva, Reps. Roman Romulo at Jude Acidre, kasama ang iba pang miyembro ng EDCOM 2.
Sa ilalim ng panukala, kwalipikadong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 ay maaari nang makatanggap ng Basic Education Voucher Assistance para makapag-aral sa mga pribadong paaralan.
Layunin nitong magamit ang available capacity sa private schools at makatulong na maibsan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.
Batay sa datos ng EDCOM 2, tinatayang 121,035 o 22.5 porsyento ng mga mag-aaral na nasa masisikip na paaralan ang maaaring makinabang sa programa.
Uunahing mabigyan ng voucher ang mga mag-aaral sa public schools na tinukoy ng DepEd na congested, mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan, at mga lugar na may masisikip na public schools.
Inaatasan din ng panukala ang DepEd na magtatag ng public dashboard na maglalaman ng impormasyon tungkol sa mga participating private schools, kabilang ang lokasyon, available slots, tuition fees at anumang kailangang top-up kapag mas mababa ang voucher sa tuition.
Magkakaroon din ng Nationwide School Congestion Mapping and Strategic Allocation Framework para matiyak na ang alokasyon ng vouchers ay nakabatay sa datos at umaayon sa iba pang hakbang ng DepEd, kabilang ang classroom construction.
Samantala, bubuo rin ng Bureau of Private Education sa loob ng DepEd na magsisilbing focal office para sa pagpapatupad at pangangasiwa ng government assistance programs para sa private basic education.
Ang panukala ay bahagi ng mga priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC. Matapos ang ratipikasyon ng bicameral conference committee report, ipapadala ang panukala sa Office of the President para sa kaukulang aksyon.