Tinatayang aabot sa €5 million ang inilaan ng European Union para sa isang regional project na naglalayong palakasin ang resilience ng mga bansa sa Asya laban sa violent extremism sa digital spaces.
Sa closing message ng side event ng ASEAN Peace Education High Level Conference sa Quezon City, sinabi ni Piotr Dzikowski, Attaché for Political, Press and Information ng Delegation of the European Union to the Philippines, na mahalagang maging bahagi ng peace education ang digital safety.
Isinasagawa ang proyekto ng UNDP at UNODC mula 2025 hanggang 2028 at nakatuon sa South, Southeast at Central Asia. Kabilang sa layunin nito ang pagtutulungan ng mga komunidad, educators, public institutions at technology sector upang tugunan ang misinformation, hate speech at extremist narratives online.
Binigyang-diin din ni Dzikowski ang kahalagahan ng pagbibigay sa kabataan at local leaders ng aktuwal na papel sa pagbuo ng mga solusyon. Ayon sa opisyal, kailangang sabayan ang teknolohiya ng edukasyon, critical thinking, trusted relationships at respeto sa karapatan upang maging mas ligtas at mas makabuluhang espasyo para sa peacebuilding ang digital platforms.