Bukas ang Malacañang sa posibleng pag-amyenda sa umiiral na Anti-Espionage Law.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, makaraang maaprubahan sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang batas laban sa espionage.
Ayon sa opisyal, kailangan munang maaral ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bersyon ng panukala na ipinasa ng Kamara, bago ito makapagbigay ng pinal na posisyon.
Gayunman, tiniyak ni Castro na susuriing mabuti ng Pangulo ang nilalaman ng panukala, partikular kung kinakailangan ang mga pagbabago upang matugunan ang mga bagong paraan ng espionage at iba pang kilos na maaaring maging banta sa seguridad ng bansa.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi nais ng Pangulo na mayroong mga Pilipinong magtaksil sa bansa at sa kapwa Pilipino.
Aniya, kung makikita ng Palasyo na makabubuti sa bansa at maayos ang nilalaman ng panukala, hindi ito hahadlangan ni Pangulong Marcos.
“Hindi natin gugustuhin iyan, hindi gugustuhin ng Pangulo na kapwa Pilipino mismo pa ang magtatraydor sa ating bansa at sa ating mga kababayan,” — Castro.