Karamihan sa mga paaralan o establisimyentong nakatatanggap ng mga bomb threat ay hindi nagsasampa ng kaso o hindi itinutuloy ang demanda laban sa mga napatunayang nasa likod nito.
Ito ang sinabi ni Manila Police District (MPD) Spokesperson PMaj. Philip Ines kaugnay ng resulta ng imbestigasyon sa mga nagdaang insidente ng bomb threat sa Maynila.
Ayon kay PMaj. Ines, hindi niya tukoy ang eksaktong dahilan ng mga paaralan pero posibleng umiiwas ang mga ito sa abala, lalo’t karamihan sa mga bomb threat ay hindi naman totoo.
Kaugnay nito nagbabala si PMaj. Ines sa sinumang magpapakalat ng bomb threat o bomb joke, ng parusang limang taong kulong at ₱40,000 multa at karagdagan pang parusa oras na mapatunayang ipinakalat ito online at pasok sa Anti-Cybercrime Law.