Inihahanda na ng Marcos administration ang panibagong round ng fuel assistance sa ilalim ng UPLIFT program, upang makatulong sa pagpapagaan ng pasanin ng publiko, kasunod ng pagpalo sa $100 per barrel ng presyo ng krudo, bunsod pa rin ng nagpapatuloy ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang mga magsasaka at mangingisda ang initial na targets para sa panibagong UPLIFT assistance.
“Sa ngayon inihahanda na natin ang fuel assistance under the UPLIFT program natin. Ito ay direktang mapapakinabangan ng ating mga magsasaka at mangingisda.” — De Mesa.
Si Transportation Secretary Giovanni Lopez naman, una nang sinabi na patuloy ang gobyerno sa paghahanap ng mga paraan upang mapagaan ang epekto ng oil price hike sa publiko.
Seryoso aniyang inaaral ng kagawaran ang posibleng pagpapabilang rin ng iba pang public transport sa fuel subsidy, na kasalukuyan ng tinatamasa ng PUJs at UV express.
Ang fare-hike petitions, patuloy na ikinukonsulta ng gobyerno.