Kabilang ang Pilipinas sa mga umuusbong na ekonomiya na nakikitang may malakas na ambag sa paglago ng pandaigdigang turismo, ayon sa 2026 Travel & Tourism Development Index ng World Economic Forum (WEF).
Ayon sa WEF, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nasa Asia-Pacific na nagpapakita ng mabilis na pag-unlad sa sektor ng turismo, kasabay ng China, Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam.
Sa kabuuan, 92% ng 110 ekonomiyang sinuri sa index ang nakapagtala ng pagbuti ng kanilang tourism development score mula 2024 hanggang 2026.
Kabilang sa mga pangunahing nagtutulak sa paglago ang mas maayos na tourism infrastructure, air connectivity, cultural resources at natural attractions.
Gayunman, binigyang-diin ng WEF na mahalagang mapalago ang turismo sa paraang napapanatili ang benepisyo pagdating sa ekonomiya, habang pinangangalagaan ang kapaligiran at mga komunidad sa mga lugar kung saan nagtutungo ang mga turista.