Isinusulong ni Solid North Party-list Rep. Ching Bernos ang agarang pagpapatibay ng panukalang batas na sisiguro na makuha ng mga komunidad ang kabilang bahagi sa kita mula sa turismo.
Sa ilalim ng House Bill No. 3110 o Community-Based Tourism Bill, hindi bababa sa 30 porsiyento ng net tourism revenues mula sa community-managed tourist sites ang ilalaan sa komunidad para sa muling pamumuhunan.
Layunin nitong gawing bahagi ng national at local tourism planning ang community-based tourism.
Bubuo rin ng Community-Based Tourism Support Program sa ilalim ng Department of Tourism para magbigay ng grants, technical assistance, at capacity-building sa mga community-led tourism enterprises.
Ayon sa mambabatas, dapat makinabang ang mga komunidad na namamahala sa mga tourist site sa kita mula sa turismo.
Mahalaga aniya ang community-based tourism upang ang mga polisiya ay nakabatay sa aktuwal na pangangailangan at sitwasyon ng mga lokal na komunidad.