Hinatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo ang dalawang marijuana pusher matapos mapatunayang nagbenta ng halos 20 kilo ng marijuana sa Benguet.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez ang mga nahatulan na sina Roldan Jacinto at Rocky Jet Bagoling.
Bukod sa life imprisonment na ipinataw ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 8 in La Trinidad, Benguet, pinagmulta rin ang bawat isa ng tig P500,000.
Nag-ugat ang kaso sa buy-bust operation noong Marso 3 sa Betag, La Trinidad, Benguet.
Nasabat sa operasyon ang 19.8 kilo ng dried marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P2.3 million.
Ayon sa PDEA, magpapatuloy ang operasyon laban sa marijuana trafficking at sisiguraduhing maayos ang pagbuo at pagsasampa ng mga kaso.