Umabot sa 13,702 ang kabuuang bilang ng mga bumisita sa tatlong araw na My Manila Tourism Expo na nagtapos nitong Linggo sa Foro de Intramuros.
Ayon sa Department of Tourism, Culture, and Arts of Manila (DTCAM), ito ang kauna-unahang tourism expo ng lungsod at bahagi ng pagdiriwang ng Manila Tourism and Creative Industries Month.
Kasabay ng expo ang opisyal na paglulunsad ng bagong tourism campaign na Manila, My Manila, na ayon kay Manila Mayor Francisco Moreno Domagoso ay layuning higit pang buksan ang lungsod sa mga lokal at dayuhang bisita.
Sinabi naman ni DTCAM Director Cristal Bagatsing na layunin nilang gawing destinasyong gustong maranasan ng mga turista ang Maynila, sa pamamagitan ng pagtatampok sa kultura, kasaysayan, pagkain at hospitality industry ng lungsod.
Kabilang sa mga pinarangalan sa expo ang Liberty Foodmart bilang Best Overall Booth, kasunod ang Escolta Fub at The Bayleaf Intramuros.