Ipinauubaya na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Justice (DOJ) kung ipapasok sa Witness Protection Program (WPP) ang dating pulis na si Rodulfo Gracioso.
Si Gracioso ang nagpakilalang nagbigay umano ng male-maletang pera kina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Sara Duterte, at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte.
Sa ambush interview sa Kampo Crame, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nasa DOJ na ang bola kung papasok sa kanilang pamantayan para sa naturang prorgrama si Gracioso.
Sakaling pumasa si Gracioso sa mga pamantayan ng programa, sinabi ni Remulla na sasamahan nila ang dating pulis sa pagpoproseso upang maipasok ito.
Pero nilinaw ni Remulla, na hindi maaaring tanggapin na buong katotohanan ang mga binitawang pahayag ng dating pulis kaya’t kanila munang bubusisiin, alin sa mga pahayag nito ang tama.
Una riyan, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na na-assign bilang security detail ni dating Speaker Lord Allan Velasco si Gracioso.
Gayunman, naharap ito sa mga kasong administratibo at kriminal noong 2021 at 2022 subalit natagalan bago ito tuluyang naalis sa serbisyo nito lamang Setyembre ng taong kasalukuyan.