Tiniyak ni House Appropriations Committee Chairperson Mikaela Suansing na gagawin ng Kongreso ang lahat upang maging El Niño-ready ang 2027 national budget.
Ito’y matapos mausisa ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang kahandaan ng pamahalaan sa inaasahang matinding El Niño hanggang 2027.
Tinukoy ni Cendaña ang posibleng epekto nito sa agrikultura, kabilang ang tinatayang 700,000 metric tons na maaaring mabawas sa produksiyon ng palay.
Ibinahagi rin niya na umabot sa ₱57.78 billion ang pinsala sa agrikultura noong El Niño noong 2023 hanggang 2024.
Sa ilalim ng panukalang 2027 budget, ₱45.67 billion ang inilaan para sa Calamity Fund, na ayon kay Suansing ay nakabatay sa inaasahang climate at disaster-related shocks.
Kung kakapusin ang pondo, kabilang sa maaaring hakbang ang paggamit ng contingent funds, mga angkop na programa ng ibang ahensya, at savings na maaaring i-reallocate sa mga nangangailangang ahensya.
Tiniyak din ni Suansing na palalakasin ang budgetary support, kabilang ang mga programa ng Department of Agriculture tulad ng fertilizer assistance, upang matugunan ang epekto ng El Niño.