Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggagawad ng parangal sa apat na guro, tatlong sundalo, at tatlong Police officers, para sa 2026 Metrobank Outstanding Filipino.
Ayon kay Metrobank Foundation Chairman Arthur Ty, sa gitna ng umuusbong na hamon sa seguridad, ekonomiya, at lipunan, ang progreso ng bansa ay naka-depende sa mga lingkod ng bayad na gumagampan sa kanilang tungkulin nang mayroong integridad, competence, at malasakit sa kapwa.
Ang commitment aniya ng mga ito na patatagin ang tiwala ng taombayan, ang nagbibigay daan sa pag-angat ng mga komunidad.
Sila rin ang nagiging susi sa pagkakaroon ng mas matatag at mas may-pag-asang kinabukasan para sa mga Pilipino.
Ito aniya ang dahilan kung bakit, kinikilala ng Metrobank Foundation ang mga public servant na gumagampan nang higit pa sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Simula taong 1985, nasa 735 na katangi-tanging Pilipino na ang kinilala ng foundation na ito.
Mula sa kabuuang bilang, 392 dito ay mga guro, 178 ay mga sundalo, habang 165 ang Police officers.
Ngayong araw, ang bawat isang awardee ay nakatanggap ng tig- isang milyong piso, ang FAME trophy, at ang Medallion of Excellence.