Naghain ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS kasama si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendana ng Animal Life Advocacy and Guardianship Act o ALAGA Bill sa Kamara.
Layunin ng House Bill No. 11495 na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mga hayop at tiyakin ang mas makataong pagtrato sa kanila.
Sa ilalim nito, itatatag ang National Commission on Animal Welfare bilang isang quasi-judicial body na may malinaw na hurisdiksyon at kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga patakaran para sa proteksyon ng hayop.
Kabilang sa mga itinuturing na isyu ng panukala ang paghihirap sa pagsasampa ng kaso laban sa pet neglect, gayundin ang pagbabawal sa paggamit ng lason para pumatay ng mga hayop sa pampublikong lugar.
Hihigpitan din ang pananagutan at transparency sa operasyon ng animal control facilities at city pounds, pati ang pagpapatupad ng spay-neuter programs bilang makataong paraan sa pagkontrol ng populasyon ng mga gala o stray animals.
Itinutulak din ang pagkakaroon ng mas mahigpit na minimum na parusa sa mga mapapatunayang nagkasala ng animal cruelty sa halip na gawing opsyon lamang ang pagkakakulong at multa.