Sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na ipinakita ng magkakaibang pananaw ng ilang senator-judges sa pagdeklara ng mga baril ni Vice President Sara Duterte kung bakit mahalaga ang malinaw at tiyak na rules sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Sa impeachment trial, iniharap ang records ng PNP ng mga baril na pagmamay-ari ng bise presidente at kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Gayunman, kinuwestiyon ng ilang senator-judges kung kailanganan isa-isang ilista ang mga baril o maaari itong isama sa isang pangkalahatang entry para sa personal property.
Ayon kay Luistro, karaniwang tanong din ito ng mga government employee kung paano dapat ihanda at ideklara nang tama ang kanilang SALN.
Aniya, hindi siya maaaring magsalita para sa mga senator-judge, ngunit ang magkakaibang pananaw sa hearing ay nagpapakita aniya ng pangangailangan na higit pang maunawaan ng mga government worker ang bagong SALN rules.
Kaya ikinalugod niya na nailatag sa pagdinig ang 2025 guidelines kung saan nakasaad sa Section 34 na ang mga personal property na rehistrado sa government agencies, kabilang ang firearms ay dapat ideklara nang paisa-isa.
Nakatulong kasi aniya ang bagong guidelines upang linawin ang usapin, partikular sa deklarasyon ng mga baril.