Photo courtesy of DepEd
LUNGSOD NG MAKATI, 29 Setyembre 2026—Naglabas ng mga bagong alituntunin si Education Secretary Sonny Angara na nag-aatas na gawing matibay laban sa kalamidad at accessible sa mga persons with disability (PWD) ang lahat ng itatayong pampublikong paaralan sa bansa na sakop sa effective date.
Sa pamamagitan ng DepEd Order No. 022, s. 2026, ipinatutupad ang Enhanced Minimum Performance Standards and Specifications (MPSS) para sa mga pasilidad ng pampublikong batayang edukasyon. Magsisimula ang mga bagong pamantayan sa Fiscal Year (FY) 2027 at papalitan ang lumang alituntunin noong 2017 at 2021 upang magsilbing teknikal na gabay alinsunod sa mga umiiral na patakaran, batas, code, at batas sa procurement ng DepEd para sa lahat ng hinaharap na imprastraktura at pagbili ng muwebles sa mga paaralan.
Binigyang-diin ni Secretary Angara na alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pagtatayo ng mga ligtas at modernong silid-aralan.
“In line with President Bongbong Marcos’ vision of an inclusive learning environment, these standards ensure that our schools respect learner dignity, protect their health, and welcome every Filipino child without exception,” pahayag ni Angara. “Having one unified standard makes it easier for our partners and project engineers to build right the first time. Proper airflow, ergonomic seats, and barrier-free pathways are not luxury add-ons, but basic prerequisites for effective learning.”
Pinag-isa sa bagong balangkas ang accessibility at mga probisyon sa kalusugan. Mandatoryo na sa lahat ng bagong gusali ang mga standardized wheelchair ramp na may incline na hindi lalagpas sa 1:20 para maging wheelchair-friendly at non-skid surface, tactile paving na may warning blocks para sa mga may kapansanan sa paningin, at mga palikuran para sa PWD na may safety handrails.
Upang mapangalagaan ang kalusugan, ipinatutupad din ang magkahiwalay na banyo at mga istasyon ng paghuhugas ng kamay, pati na ang ratio sa palikuran na isang palikuran sa bawat 20–25 mag-aaral na babae, at isa sa bawat 25–30 mag-aaral na lalaki.
Upang maiwasan ang siksikan at mas maging komportable ang pag-aaral, itinakda sa 63 square meters ang sukat ng standard na silid-aralan para sa maximum na 40 mag-aaral. Kailangan ding may maayos na cross-ventilation sa loob ng silid gamit ang 2.7-metrong taas ng kisame, 20% floor-to-window ratio, mga ceiling at wall fan, at mga daanan ng hangin.
Samantala, ang mga upuan at mesa ay dapat lead-safe at angkop sa left- at right-handed na mag-aaral, kung saan hindi bababa sa 20 porsiyento ng mga muwebles ay gawa sa kawayan alinsunod sa Executive Order No. 879.
Dahil sa banta ng pagbabago ng klima, kailangang kayang tumagal ng mga bagong gusali sa lakas ng hangin na hanggang 340 km/h o super typhoon at magnitude 8.0 na lindol.
Kabilang sa mga mandatoryong structural feature ang anchored roof trusses, fire-retardant na materyales, pundasyong may lalim na hindi bababa sa 600 mm, at mga espesyal na micropiles o raft foundations sa mga lugar na malambot ang lupa upang magarantiya ang pinakamababang kinakailangan sa structural design life, alinsunod sa tamang disenyo, konstruksyon, pagpapanatili, at kondisyon ng lugar.
Lalagyan din ng perimeter fence na may taas na dalawang metro at kontroladong gate ang paligid ng paaralan para sa seguridad ng mga mag-aaral.
Upang mabawasan ang pananatili ng init sa loob ng silid, makatipid sa kuryente, at magkaroon ng iisang anyo ang mga paaralan sa buong bansa, pamantayan na ang mga kulay na Baguio green para sa bubong, puti sa kisame, cream sa panloob na pader, ivory white sa panlabas na pader, metallic gray sa mga rehas, at pula para sa mga accent at safety strip. | via DepEd