Ibinasura ng Sandiganbayan 3rd Division ang ikalawang mosyon ni dating Senator Bong Revilla Jr. na kusang mag-inhibit o umatras sa pagdinig ng kanyang kasong malversation si Associate Justice Karl Miranda.
Ito ay kaugnay pa rin ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa inilabas na resolusyon ng anti-graft court, iginiit ng korte na walang sapat na legal na batayan para sa inhibition ni Justice Miranda.
Sa mosyon ni Revilla, tinukoy ng kampo nitong dapat mag-inhibit si Miranda dahil kapatid nito si Atty. Buenaventura Miranda, na counsel ni former DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, isang testigo sa kaso.
Kinuwestiyon din ng depensa ang naunang dissenting opinion ni Miranda laban sa kanyang petition for bail.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na hindi sapat ang simpleng hinala o alegasyon ng pagkiling para sa inhibition. Kailangan umano ng malinaw at matibay na ebidensya ng mga kilos o asal na nagpapakita ng pagkiling o pagiging arbitraryo ng hukom.
Dahil dito, sinabi ng Sandiganbayan na magpapatuloy si Justice Miranda sa kanyang tungkuling dinggin ang kaso ni Revilla.