Photo courtesy of Rep. Roman Romulo FB
Bukod sa pagtutok sa social media regulations para sa mga kabataan ay pinagtutuunan na rin ngayon ng pansin ng Kamara at ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang mga isyu ng cyberbullying.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay House Committee on Basic Education Chairperson, Representative Roman Romulo sinabi nito na noon pa mang PISA 2022 result ay lumabas na ang isyu ng cyberbullying sa mga labis na ikinababahala ng mga mag-aaral.
Direkta nga rin itong maiuugnay ngayon sa mga napapa-ulat na groomers dahil posibleng nagiging malakas ang impluwensiya ng mga nasabing groomers dahil mismong ang mga target na bata ay biktima rin ng bullying o cyber bullying.
Aniya base sa rekomendasyon ng EDCOM 2 ay sapat naman na ang mga umiiral na batas patungkol sa cyber bullying ngunit ang dapat umanong matutukan dito ay ang implementing rules and regulations na ipatutupad naman sa panig ng Department of Education (DepEd).
Panawagan pa ng mambabatas sa mga magulang na huwag silang mag-alala dahil ginagawa na ng kongreso ang lahat katuwang ang DepEd upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.