Nagbabala ang Department of National Defense (DND) sa publiko laban sa kumakalat na “fabricated” na liham na pirmado ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. para sa isang Peter Enzminger.
Sa naturang liham, lumalabas na tinitiyak umano ng kalihim ang pagsusulong ng interes ng Amerika sa West Philippine Sea at sa ilang usaping pampulitika sa bansa.
Kabilang dito ang umano’y sadyang pagpapakita sa publiko ng marahas na taktika ng China sa operasyon sa Ayungin Shoal noong July 2026.
Nakasaad din sa gawa-gawang liham na mas inuuna umano ni Teodoro ang Amerika pagdating sa national security, kaysa sa mga isyung lokal gaya ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ni DND Spokesperson Asec. Arsenio Andolong na walang katotohanan ang dokumento at ang laman nito. Naipasa na rin aniya ang usapin sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon. Giit ni Andolong, panibagong halimbawa na naman ito ng foreign interference at malign influence na layong siraan ang lehitimong pagsisikap ng pamahalaan na ipagtanggol ang soberanya at teritoryo ng bansa.