Kinumpirma ni Labor Acting Secretary Francis Tolentino na inaprubahan na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang ₱500 umento sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay sa Central Visayas, na kinabibilangan ng Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor.
Magiging epektibo ang bagong wage rate sa Oktubre 14, 2026.
Ibig sabihin, mula sa kasalukuyang ₱7,000 na buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay, magiging ₱7,500 na ito.
Sinabi ni Tolentino na makikita rin ang epekto ng bagong wage rate sa iba pang benepisyo ng mga kasambahay, tulad ng 13th-month pay at mga kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.
Kasabay nito, pinayuhan ng DOLE ang mga employer na sumunod sa itinakdang bagong minimum wage rate.
Hinikayat din ang mga kasambahay na alamin ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng bagong wage order. Ang mga manggagawa o kasambahay na may mga tanong o alalahanin tungkol sa ipatutupad na wage adjustment ay maaaring makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook page ng DOLE, tumawag sa DOLE Hotline 1349, o mag-email sa hotline1349@dole.gov.ph.