Siniguro ng Department of Education Davao Region na alinsunod sa guidelines ng DepEd ang pagsasagawa nito ng active threats simulation exercise upang masiguro ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Jenelito Atillo, tagapagsalita ng DepEd Davao, kailangang pagdaanan ang anim na yugto bago isagawa ang simulation exercise sa mga paaralan.
Kabilang dito ang school readiness at risk assessment; paghahanda at pagkuha ng pahintulot ng mga magulang para sa mga mag-aaral; classroom discussion at protective action walkthrough; school safety drill; recovery, reunification at psychosocial support; at ang after-action review para matukoy ang mga kailangang pagbutihin.
Binigyang-diin din nito na hindi lamang sa paaralan dapat natututunan ng mga mag-aaral ang tamang pagtugon sa active threats.
Mahalaga rin ang papel ng mga magulang at pamilya upang malaman ng mga bata kung ano ang dapat gawin sakaling magkaroon ng ganitong emergency sa loob o labas ng paaralan.
Iginiit din ng opisyal na hindi dapat pilitin ang mga estudyanteng hindi pinapayagang lumahok ng kanilang mga magulang.
Regular din umanong isasagawa ang simulation exercise, katulad ng earthquake at fire drills, upang maging handa ang mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel sa oras ng emergency.