Makikita na ng mga konsyumer ang mas malinaw na breakdown ng mga bayarin sa kanilang buwanang bill sa kuryente.
Ito’y makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Resolusyong nagtatakda ng bagong billing format para sa lahat ng Distribution Utilities.
Alinsunod ito sa inilabas na Memorandum Circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kumikilala sa deklarasyon ng ERC na alisin ang VAT sa system loss upang mas madaling maunawaan ng mga konsyumer.
Sa ilalim ng bagong format, ayon sa ERC, dapat malinaw na nakasaad ang mga government-mandated pass-through charges kabilang ang system loss charge sa ilalim umiiral na price cap at walang Value Added Tax (VAT).
Ayon kay ERC Chairman, Atty. Francis Saturnino Juan, sa pamamagitan nito, mas magiging maluwag na sa mga konsyumer na bayaran ang kanilang monthly billing dahil naiintindihan na ng mga ito ang mga singiling dapat nilang ayusin.